Babae, patay sa pananaksak sa Quezon City

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 01:20 AM

MAYNILA - Nakahandusay sa tabi ng isang pedicab ang duguang katawan ng isang babae nang matagpuan ng mga pulis sa Agham Road, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City Linggo ng gabi.

Nasa labas lang ito ng komunidad ng mga informal settler sa Sitio San Roque. 

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nagtamo ang babae ng tinatayang 15 saksak, karamihan sa likuran. 

Kuwento ng tinderang si Merly Dilao, nakita na lang niyang tumatakbo ang babae sa sidewalk mula sa looban at sumisigaw ng saklolo pasado alas-9 ng gabi. Nagkalat pa ang mga tulo ng dugo sa dinaanan nito palabas. 

Umupo pa umano ang babae sa pedicab bago bumagsak na lang at binawian ng buhay. 

Kinilala naman siya ng isa pang tindera na si Mayet Ting na si alyas "Apple," na asawa ng isang jeepney driver.

Ayon kay Ting, tatlong araw pa lang nangungupahan sa lugar ang dalawa. 

Galing sa bahay umano ang asawa ni Apple nang mabalitaan nito mula sa tindera ang nangyari. 

Sabi ng asawa sa kaniya, pinabili lang niya si Apple ng noodles. 

Dagdag ni Ting, hindi nilapitan ng lalaki ang bangkay ng asawa at hinihingal na umalis sakay ng pedicab.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang buong pagkakakilanlan ni Apple at pinaghahanap na rin ang asawa nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.