'Modernong bus, solusyon sa daloy ng trapiko sa EDSA'

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang Department of Transportation (DOTr) na ang mga modernong bus ang isa sa mga solusyon sa matinding trapikong nararanasan sa EDSA.

Ipinasilip ng ahensiya ang modernong bus na may Euro 4 o Euro 5 na makina na mas "environment-friendly" o kaunti ang pinsalang naidudulot sa kapaligiran.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary Mark De Leon, kayang magsakay ng mga modernong bus ng hanggang 120 pasahero kapag pinuno.

"Ang gusto nating ma-achieve for city buses is maximum ridership," ani De Leon.

Pero inamin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na maaaring tumaas ang pasahe sa mga modernong bus.

"We also have to be careful as to how much fare we're going to grant to the operators," ani Delgra.

Bukod sa nakababawas sa polusyon, may surveillance camera, personal TV monitor, at banyo ang mga modernong bus.

Mas maluwag at angkop din umano ito para sa mga person with disability o may mga kapansanan, senior citizen, at mga buntis.

Ikinatuwa naman ito ng mga bus driver at konduktor.

"Maganda, wala nang usok," sabi ni Richie Uy na 31 taon nang nagmamaneho ng bus.

Inaasahan ng DOTr na 100 porsiyento ng mga bus sa bansa ay magiging moderno sa 2020.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.