Lalaki, natangayan ng P10,000 dahil sa card skimming

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2017 07:01 PM

Nagreklamo ang isang lalaki matapos mabiktima umano ng "unauthorized withdrawal" sa account niya sa isang cashless transaction service.

Kumpleto ang dokumento ni John Paul de Leon na magpapatunay na hindi siya ang nag-withdraw ng pera sa kaniyang account, kaya nagulat siya nang halos nasimot ang higit P10,000 niya.

Naibalik naman ang pera ni de Leon at binigyan na siya ng bagong EMV card.

Napag-alaman niya na may nag-withdraw sa kaniyang account mula sa isang bangko sa Makati. 

Giit niya, nasa Zamboanga Sibugay siya at hawak niya ang card kaya malabong makakuha siya ng pera sa Makati.

Gustong makita ng biktima ang CCTV para malaman kung sino ang nag-withdraw pero sinisingil umano siya ng P4,000.

Sinulatan naman ng "Tapat Na Po" ang kumpanyang humahawak ng cashless transaction service at nakumpirma sa imbestigasyon na biktima ng card-skimming si de Leon.

Paliwanag nila, may kumopya ng card details ni de Leon kaya nagkaroon ng unauthorized withdrawal.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.