Most wanted ng Metro Manila police arestado sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 01:00 PM

Natimbog ng mga awtoridad sa Tarlac City noong Sabado ang lalaking pinuno umano ng isang crime group, na itinuturing na most wanted person ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Kinilala sa ulat ng Eastern Police District (EPD) ang suspek bilang si Art Cris Viloria, 24 anyos at residente ng Marikina City.

Si Viloria ang umano ay pinuno ng criminal group na dawit sa ilegal na droga at mga kaso ng pagnanakaw sa Marikina at mga karatig-lungsod, ayon sa ulat ng EPD.

Inaresto ang suspek bandang alas-11:50 ng umaga sa Barangay San Vicente, Tarlac City ng pinagsanib na puwersa ng Marikina City Police Station Special Operations Unit, NCRPO Regional Intelligence Unit, at Tarlac City Police Station.

Ikinasa ang operasyon sa bisa ng 3 arrest warrant na inilabas laban sa suspek para sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, robbery with violence against or intimidation of persons, at usurpation of authority.

Kasalukuyang nakadetene ang suspek sa Marikina City Police Station Custodial Facility. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.