Hinihinalang miyembro ng NPA timbog sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 01:36 PM | Updated as of Sep 08 2019 05:38 PM

Isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA), ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines, ang natimbog noong Sabado sa Pasig City, ayon sa pulisya.

Dinampot ang suspek na si Joselito Naag kasunod ng isang manhunt operation bandang alas-6 ng gabi sa Christ the King Street, Barangay Santolan, ayon sa ulat ng Eastern Police District (EPD).

Hinuli si Naag sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong robbery, murder at frustrated murder na inilabas ng Legapzi City Regional Trial Court.

Nakalista ang suspek bilang miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla 78 sa Albay, ayon sa pulisya.

May alok ding P100,000 pabuya ang Department of the Interior and Local Government para sa pagkakaaresto kay Naag.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng EPD Intelligence Division ang suspek. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.