Refilling station ng mantika inirereklamo ng mga kapitbahay dahil sa ingay

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inirereklamo ng magkakapitbahay sa isang subdivision sa Biñan City, Laguna ang isang cooking oil refilling station dahil sa abala at ingay na nililikha umano nito.

"Ang issue is residential area, merong 10-wheeler na truck na dumarating doon para magdiskarga for mga 2 hours, saka napakaingay ng makina," sabi ng residenteng si Tony Ayson.

"Bigla nalang darating 'yung truck sa umaga tapos bobomba talaga 'yan sobrang lakas, magigising ka talaga," sabi naman ni David Ayson.

Kinausap na raw nila ang may-ari ng BMS Enterprises pero tuloy pa rin ang operasyon ng cooking oil refilling station.

"Noise pollution at air pollution ang dulot niyo dyan. Eh ang asawa ko kasi cancer survivor," reklamo ni Lourdes Antoja.

Idinulog ng "Tapat Na Po" kay Biñan City Mayor Walfredo "Arman" Dimaguila, Jr. ang problema at pina-isyuhan na daw niya ng notice of violation ang BMS dahil ang permit nito ay para sa retailing at hindi refilling.

Pero sa kabila nito, hindi naman ipinasara ng lokal na pamahalaan ang refilling station.

"We will give them ample time para lumipat," anang alkalde.

Ayon sa Business Permits and Licensing Office ng Biñan City, kasalukuyang ipinoproseso ang pag-upgrade ng permit ng BMS.

Pero dahil sa reklamo ng mga residente, hindi muna magbibigay ang barangay ng clearance for business permit.

Sinulatan at pinuntahan ng Tapat Na Po ang sinasabing may-ari ng BMS Enterprises para makuhanan ng panig pero hindi ito sumagot.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.


—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.