Ilang biktima ng heinous crimes nababahala sa 'GCTA for sale' modus

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 06:38 PM | Updated as of Sep 07 2019 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nababahala ang ilang rights advocates at mga biktima ng heinous crimes sa ibinunyag na bentahan umano ng good conduct time allowance (GCTA) ng mga kawani ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon sa kidnap victim na si Julia Rodriguez, nangangamba siya para sa kaniyang kaligtasan nang mabalitaang lumaya ang ilang na-convict sa mga karumaldumal na krimen.

"Iyung safety doon nakukuha namin sa kaalaman na nasa prison sila. Ngayon na puwede silang umalis, saan mapupunta ang safety namin?" ani Rodriguez, na miyembro rin ng Movement for the Restoration of Peace and Order (MRPO).

Bagama't pabor siya sa reformation at pagbibigay ng ikalawang pagkakataon sa mga convict, tingin niya na dapat itong idaan sa malinis na proseso.

Sang-ayon dito ang chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption na si Arsenio Evangelista.

Tingin niya, dahil dito ay dapat marepaso ang GCTA law para hindi malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga biktima at ng mga kaanak nila.

"Maganda ang intention ng batas pero hindi siya pro-victim. It needs a lot of revisions," ani Evangelista.

"Napaka-unfair sa victims. Nasira ang buhay, death threats, napaka-unfair," dagdag niya.

Agosto nang pumutok ang isyu ukol sa pag-abuso sa GCTA dahil sa balitang nakaambang paglaya ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez.

Sa hearing sa Senado noong gabi ng Huwebes, lumantad ang isang testigo para patunayan ang pang-aabuso umano sa sistema ng GCTA para mapalaya ang ilang bilanggo sa New Bilibid Prison.

SUMUKO

Ayon naman sa BuCor, aabot na sa 74 heinous crime convicts ang sumuko hanggang alas-1 ng hapon ng Sabado mula ng magbigay ng 15 araw na ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkoles.

Ikinagalak ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagdami ng mga sumusukong napalaya dahil sa GCTA.

Inaasahan niya na madaragdagan ito sa mga susunod na araw.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.