Driver timbog sa buy-bust sa Cubao

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 10:14 AM

MAYNILA – Arestado ang driver ng isang ride-hailing service sa isinagawang buy-bust operation ng drug enforcement unit ng Cubao Police Station, Sabado ng madaling araw.

Agad nilapitan ng mga operatiba ang kotseng nakatigil sa Aurora Boulevard matapos ang transaksiyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa 35 anyos na driver na si alyas Jude.

Isinumbong sa mga pulis ng mga taga-barangay E. Rodriguez ang pagbebenta umano ni Jude ng hinihinalang shabu, karaniwan umano sa mga babae.

“Hindi siya 'yung magbebenta sa hindi kakilala o kung sino-sino lang,” paliwanag ni Capt. Ramon Aquiatan, hepe ng Cubao Police station drug enforcement unit.

Nasamsam mula sa suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa suspek, pinahatid lang ang mga ito sa kaniya at pinangakuan ng bayad na ipambibili niya ng gatas ng bunso.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.