73 anyos sa India nanganak ng kambal na babae

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 05:12 PM

Kambal na babae ang iniluwal ng isang 73 anyos na babae nitong Huwebes sa Andhra Pradesh, India. 

Ayon sa ulat ng BBC, nabuo sa pamamagitan ng in vitro fertilization ang kambal ng mag-asawang Mangayamma Yaramati at 82 anyos na asawang si Sitarama Rajarao. Isinilang sa pamamagitan ng Caesarian section ang mga bata. 

"The mother and the babies are doing well," anang doktor na si Uma Sankar sa panayam ng BBC. 

Kuwento ni Yaramati, matagal na nilang inabangan ang pagkakataon na magkaroon sila ng anak, lalo't kinukutya umano sila sa kanilang lugar. 

"They would call me a childless lady," ani Yaramati. 

"We tried many times and saw numerous doctors," dagdag niya.

Nagalak din si Rajarao. 

"We are incredibly happy," aniya ilang oras matapos maisilang ang kambal. 

Pero kinabukasan, na-stroke si Rajarao at kasalukuyang nagpapagamot sa ospital. 

"Nothing is in our hands. Whatever should happen will happen. It is all in the hands of God," ani Rajarao nang tanungin kung sino ang mag-aalaga sa kaniyang mga anak dahil sa kanilang edad. 

Noong 2016 sa India rin, nanganak naman ang isang 70 anyos na babae ng isang sanggol na lalaki. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.