200 huli sa umano'y online pasugalan sa Cebu

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 02:13 PM

Arestado ang mahigit 200 katao matapos mahuli sa isang hinihinalang online gambling facility sa isang gusali sa Lapu-Lapu City, Cebu nitong Sabado.

Nahuli ang mga suspek sa entrapment operation na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Central Visayas.

Ayon kay Police Lt. Col. Hector Amancia, deputy chief ng CIDG Region 7, sinubukan ng mga operatiba na magsugal online para mapatunayan ang ilegal na transaksiyon ng kompanya, na nakarehistro bilang isang business process outsourcing service.

Chinese umano ang karamihan sa mga parokyano ng ilegal na pasugalan.

Inookupa umano nila ang sampung palapag ng isang establisimyento sa Lapu-Lapu City para sa mga transaksiyon.

Daan-daang computer units, cellphones at modems ang nakuha sa loob ng opisina.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga kinatawan ng kompanya.

Pansamantalang nasa kustodiya ng CIDG 7 sa Cebu City ang mga naaresto habang inihahanda pa ang kasong isasampa laban sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.