2 snatcher na-traffic, timbog matapos sumakay sa bus para tumakas

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 03:19 PM | Updated as of Sep 07 2019 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado nitong Biyernes ang 2 snatcher na pawang mga kabataan matapos silang maipit sa traffic nang magkamaling sumakay ng bus para tumakas.

Sa kuha ng CCTV sa Sampaloc, Maynila, kita ang pagtakbo ng 2 lalaki sa R.M. Boulevard corner J. Marzan street para sumakay ng bus.

Pero ilang segundo lang, isang babae ang sumulpot na tila tinutugis ang 2 lalaki.

Ang babae ay ang biktimang si alyas "Pen" na isang estudyanteng pinagnakawan ng 2 snatcher.

Ani Pen, napansin niyang may 3 lalaking sumusunod sa kaniya at pagtalikod ay bukas na ang kaniyang bag at wala na ang cellphone.

Minukhaan ni Pen ang mga lalaki at saka sila sinundan kasama ang ilang concerned citizen.

Naabutan ni Pen ang mga snatcher nang maipit ang mga ito sa traffic. Hindi nagtagal ay dumating na rin ang mga rumespondeng pulis.

Kinilala ang mga suspek na sina Dale Pija, 18, at isang menor de edad. Nakatakas naman ang isa nilang kasabwat.

Sabi ni Pija, nagawa nila ang krimen para may pera sila pang online games.

"Maglalaro kami Crossfire eh," aniya.

Nagsisisi na ngayon si Pija dahil wala raw mag-aalaga sa kaniyang asawa at 1 anyos na sanggol.

Ang kasama niyang menor de edad, dadalhin naman sa Department of Social Welfare and Development.

Laking tuwa naman ni Pen dahil nabawi niya ang cellphone na bigay sa kaniya ng kaniyang ina.

—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.