2 piso kada straw panukala ni Angara

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 12:38 PM

MAYNILA – Umiwas sa paggamit ng straw o magbayad ng P2.00 para dito.

Ito ang nasasaad sa panukalang batas na inihain ni Sen. Sonny Angara na nagtatakda ng "plastic straw fee" sa lahat ng mga establisimyentong nagbebenta ng inumin, maging supermarkets o sari-sari stores.

Sakop din ng batas ang mga pre-packed na inumin tulad ng juice boxes kung saan kadalasan ay may kasamang plastic straw. 

“Plastic straws will only be provided upon request by the customers. We should consciously put a stop to the practice of automatically providing straws to customers upon buying their beverages,” pahayag ni Angara.

Ayon kay Angara, ang Senate Bill No. 954 o Straw Regulation Act ay naglalayong mabago ang pananaw ng mga mamimili at maging ang nakagawiang kalakaran ng manufacturers at commercial establishments ng pagbibigay ng straw para maprotektahan ang kalikasan.

Sa ilalim ng batas, hindi na aniya dapat nakakabit sa produkto ang straw at sa halip ay iaalok lamang sa customer sa halagang P2.00.

Mainam din aniya na mag-isip ng bagong packaging ang mga manufacturer ng inumin para di na mangailangan pa ng straw. 

“We also want the manufacturers of these pre-packed beverages to start coming out with new designs for their products so that consumers would be able to drink these without the use of straws,” sabi ni Angara.

Paliwanag ni Angara, mas mainam ito kaysa tuluyang ipagbawal ang paggamit ng plastic straws. Ilang lugar sa bansa ang nagpapatupad na ng pagbabawal sa paggamit ng mga plastic na produkto, kabilang ang bag at straw, sa ilalim ng mga ordinansa. 

Hindi naman saklaw nito ang plastic straws o tubes para sa medical purposes o 'yung mga ginagamit ng senior citizens, persons with disabilities, mga indibidwal na limitado ang galaw dahil sa stroke, arthritis at iba pang kondisyong medikal.

Hinihikayat din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng straw disposal at collection facilities sa lahat ng commercial establishments para matiyak na ang mga ito ay mare-recycle ng maayos.

Samantala, gagamitin naman ang perang makokolekta mula sa straw fee sa programang pangkalikasan na partikular na tututok sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig, at information at awareness campaign hinggil sa epekto ng plastic straws sa aquatic animals at marine ecosystems.

Haharap sa multang P10,000 hanggang P50,000 at kanselasyon ng kanilang business permits ang mga mahuhuling lalabag sa mga probisyon ng batas kapag naaprubahan ito. 

Base sa 2015 ocean pollution report ng Ocean Conservancy charity at ng McKinsey Centre for Business and Environment, ang Pilipinas ay nasa ikatlong ranggo sa buong mundo bilang source ng itinapong plastic na napupunta naman sa dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.