Call center agent, tiklo sa P300,000 credit card fraud

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2018 05:37 AM | Updated as of Sep 07 2018 07:22 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang call center agent sa Maynila Huwebes ng gabi dahil sa kaso ng credit card fraud.

Ayon sa pulisya, nakagpag-online shopping ng higit P300,000 ang suspek gamit ang credit card ng iba.

Kabilang sa kaniyang mga pinaggamitan ay ang pagbili ng grocery, pagbayad sa online game, at pamasahe sa isang transport network vehicle service (TNVS).

Ikinasa ang entrapment operation matapos magsumbong ang isang ginang ukol sa mga kaduda-dudang transaksiyon.

Ayon kay Chief Insp. Rosalino Ibay Jr. ng Manila Police District, lumalabas na ibinigay ng anak ng biktima ang impormasyon ng credit card sa suspek.

Hindi kasi pinagbigyan ng ginang ang hiling ng 15-anyos na anak na smartphone na nagkakahalaga ng P40,000.

"Tinanong siya ng suspek kung meron akong credit card. Eh sabi ng anak ko meron. Sabi niya, 'Kunin mo sa mommy mo 'yung credit card'," kuwento ng biktima.

Nakuha rin ng suspek ang sim card ng biktima kung saan ipinapadala ang one-time password kaya lumulusot ang mga transaksiyon.

Natunton din ng mga awtoridad ang suspek dahil ginamit niya ang kaniyang pangalan at address sa paghatid ng mga pinambili.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek na 10 taon nang nagtatrabaho bilang call center agent.

Mahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, robbery extortion, at identity theft.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.