P6.8-M halaga ng shabu, nakumpiska sa buy-bust

Donna Cañete Lavares, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 12:44 PM | Updated as of Sep 06 2019 01:48 PM

Timbog ang mag live-in partner sa buy-bust operation sa Lapu-Lapu City. Donna Cañete Lavares, ABS-CBN News

Tinatayang aabot sa P6.8-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng Lapu-Lapu City Intelligence Branch at Philippine Drug Enforcement Agency sa mag live-in partner sa buy-bust operation, Huwebes ng gabi.

Sa isang bakanteng lote na ginawang parking lot ng mga residente sa Barangay Pusok nangyari ang transaksiyon.

Babae ang nag-abot ng isang kilo ng hinihinalang shabu sa nagpanggap na buyer habang ang ka live-in nitong lalaki ang tumanggap ng marked money, ayon sa City Director ng Lapu-Lapu City Police Office na si Col. Clarito Baj.

“Isang buwan din ang monitoring natin bago nagtamgumpay ang operation. Aalamin pa natin ang kanilang drug links. May series of follow-up pa tayo. Sa pagkahuli nitong dalawa, sana hihina na ang negosyo ng iligal na droga dito sa syudad,” sabi ni Baja.

Kapwa high value target umano ang mag live-in partner na suspek dahil sa dami ng shabu na nakumpiska sa kanila.

Dagdag ng pulisya, parehong taga Cebu City ang dalawa at pumunta lamang sa Lapu-Lapu City para mag-supply ng shabu sa mga maliliit na drug peddlers.

Bukod sa shabu, nakumpiska din ng pulisya ang isang baril, magazine at mga bala. Nasa kustodiya na din ng pulisya ang itim na sasakyan ng ginagamit ng mga suspek sa kanilang mga transaksiyon.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang mga suspek habang patuloy pang inaalam kung saan at sino ang source ng nakumpiskang shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.