Modus na 'bentahan' ng GCTA sa Bilibid ibinulgar sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 03:29 PM | Updated as of Sep 06 2019 10:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang witness ang lumantad sa Senado noong Huwebes para patunayan umano ang pang-aabuso sa sistema ng good conduct time allowance (GCTA) para mapalaya ang ilang bilanggo sa New Bilibid Prison.

Kuwento ni Yolanda "Yolly" Camilon, lumapit sa kaniya si Correctional Sr. Insp. Maribel Bansil at nag-alok na mapalaya nang maaga ang kaniyang mister kapalit ng P50,000.

Sunod naman siya nitong ipinakilala kay Staff Sgt. Ramoncito Roque ng Bureau of Corrections (BuCor) Documents Processing section, na siya daw magpoproseso ng paglaya.

"Meron siyang binanggit na certain amount na P50,000... Natuwa po ako kasi meron pala nung hulugan," ani Camelon sa pagdinig.

"Ganoon nga po ang nangyari, parang for sale, GCTA for sale kasi inalok po sa amin," dagdag niya.

Nangyari ang transaksiyon Pebrero at itinakda ang paglaya sa Marso pero hindi ito natuloy.

Nang mapurnada ang paglaya, hiningi ni Camelon ang naibigay niyang pera pero nagturuan na ang mga BuCor officials kung sino ang magbabalik.

Agosto nang pumutok ang isyu ukol sa pag-abuso sa GCTA dahil sa balitang nakaambang paglaya ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez.

'MASAHOL'

Sa gitna ng pagdinig, nanindigan ang nasibak na BuCor chief na si Nicanor Faeldon na wala siyang alam sa umano'y nangyayaring modus sa Bilibid.

"Kung totoo ang revelation kanina doon, ang tingin ko doon masahol pa 'yan sa heinous crimes, you know why? Kahit maliit na pera o malaki, 'yung hinihingan nila ng pera, mga preso, they are the lowest member of our society, tapos aapihin mo pa nang ganyan. Dapat diyan bitayin nang paulit-ulit, ang ganyang mga tao," ani Faeldon sa hearing.

"I’m still crying inside my heart kasi ang preso di mo dapat ginanyan, pagkaperahan mo. Trabaho mo 'yan na protektahan sila."

Matapos ang rebelasyon sa Senado, agad ipinasuspinde ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga opisyal at empleyado ng BuCor na sangkot umano sa bentahan ng GCTA.

Ipatatago rin aniya lahat ng mga dokumentong may kinalaman sa pagproseso nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.