HPG, MMDA 'maghihila' na simula Lunes sa pinaigting na anti-illegal parking ops

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (HPG) na paigtingin ang anti-illegal parking operations nila simula Lunes, Setyembre 9.

Magsasanib-puwersa ang dalawang grupo para masugpo ang mga nag-i-illegal parking sa mga arterial roads o iyong mga kadalasang ginagamit papasok at palabas ng EDSA.

Sisimulan daw ito sa tatlong barangay na umano’y notoryus sa illegal parking gaya ng Barangay Bagong Lipunan, Barangay San Roque, at Barangay Socorro. Magdadala sila ng 10 wrecker para rito.

Ito raw ang itinuturong dahilan kung bakit tumutukod ang trapiko sa bandang Santolan.

"Alam naman nating volume talaga ang number 1 reason pero kasama rin dito ang undisciplined drivers so dito kami magko-concentrate," ani HPG chief Brig. Gen. Eliseo Cruz.

Aabot sa 200 HPG personnel ang aayuda sa MMDA sa pagpapaigting ng anti-illegal parking operations nila, ayon kay Cruz.

Ayon sa MMDA, ipapahila nila ang mga sasakyang nakaparada na ng 5 minuto. Kung makarating naman sa loob ng 5 minuto ang may-ari ng sasakyan, titiketan lang ito.

Aabot sa mahigit P6,000 ang multa sa mga naka-illegal parking, lalo na kapag ma-tow ito.

"This is not a miracle pill definitely, but this is a step closer for bringing back order on EDSA," ani EDSA traffic chief Bong Nebrija.

Parurusahan ang mga HPG official na makikipag-areglo sa mga violator.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.