Davao airport aminadong nagkulang sa pag-check sa dayuhang may dalang sanggol

Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 03:50 PM | Updated as of Sep 06 2019 03:52 PM

DAVAO CITY – Inamin ng pamunuan ng Davao international airport na nagkaroon ng pagkukulang ang mga security personnel ng paliparan sa pag-check sa Amerikanang may bitbit na sanggol noong Miyerkoles.

Ayon kay Davao airport manager Rex Obcena, hindi napansin sa unang layer ng security ang sanggol at nakalusot ang dayuhan sa tatlo pang security checks.

Nakalipad ito papuntang Maynila alas-3 ng madaling araw, at doon na siya nahuli.

“Dumaan talaga dito sa airport. That, we have to admit. There is really an intent to conceal, to traffic. On the first layer talagang hindi siya nakita kasi nakapasok sa sling bag, parang sling bag na naka-attach sa body niya. It did not excite the suspicion ng first layer ng security natin kasi ang tsini-check namin mga baggage,” sabi ni Obcena.

Pero aminado silang nakita ang sanggol sa dinaanang dalawang x-ray ng Amerikana o ang dalawang layer ng security.

“Sa x-ray na-discover siya. For the longest time kasi our personnel manning the x-rays are oriented only for prohibited items. Those items that are not allowed to be carried inside the aircraft. Hindi nasali sa orientation. Sa redundancy check ng airline unfortunately hindi rin nila na-check dahil na-conceal nga ang minor,” dagdag niya.

Ito ang unang pagkakataon na may naipuslit na bata sa paliparan.

“The orientation was more focused on the prohibited items. Because of this, I am requiring all layers of security upon discovery of minors to comply with the requirements of the law. Meaning to say, submit documents,” aniya.

Gagawin na ring 24-oras ang pag-duty ng mga social workers para mag-check sa mga isinasakay na mga bata sa eroplano.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.