Pagpapasuko sa heinous crime convicts na napalaya sa GCTA 'legal': DOJ

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 08:12 PM | Updated as of Sep 05 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinanindigan ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi kailangang pumunta sa korte para pabalikin ang mga napalayang presong nakinabang sa good conduct time allowance (GCTA).

Maaalalang noong Miyerkoles ay inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga heinous crime convict na napalaya na sumuko sa loob ng 15 araw. 

"Lahat ng nakulong at na-release sa batas na ito, 1,700 of you, you surrender. And have yourself registered with the BuCor (Bureau of Corrections). I will give you 15 days liberty provided you make yourself available anytime," ani Duterte sa isang talumpati.

Marami ang kumuwestiyon sa legal na basehan ng utos ni Duterte, pero ang posisyon ng DOJ, mali simula't sapul ang pagpapalaya sa halos 2,000 na-convict sa heinous crimes dahil sa mali ang naging interpretasyon ng mga awtoridad sa GCTA. 

Dalawang Supreme Court (SC) decision ang binanggit ni Guevarra na basehan sa utos ni Duterte.

"Basis for rearrest is not a law (statute) but jurisprudence, which forms part of the law of the land," sabi ni Guevarra.

DAPAT KORTE

Pero para kay dating SC spokesperson at UP Law criminal law professor Theodore Te, kailangang tingnan isa-isa ang bawat kaso dahil baka kailangang korte mismo ang magsabing mali ang paggagawad ng GCTA. 
 
"Hindi natin puwede sabihin basta babawiin mo na lang lahat kasi malay natin, may ibang kaso du'n na talagang tama naman 'yung grant... The more prudent approach should have been to go through them one by one... and kung may basis talaga to revoke, move to have those particular instances revoked," ani Te. 

Tingin pa ni Te, walang basehan ang pagpapaaresto dahil kapag nagawaran na ng GCTA, cleared na umano ang mga preso at hindi na maituturing na kriminal.
 
Pero ayon kay Guevarra, hindi kailangang korte pa ang magsabing mali ang pagbibigay ng GCTA. 
 
"Identified naman kung sino 'yung na-release na convicted of heinous crimes from this day to this day," depensa ng kalihim.

Tingin naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, kahit wala ang desisyon ng korte ay puwedeng ipaarestong muli ang mga napalaya. 

"Even without a Supreme Court ruling, the fact remains that the basis for the release has no legal justification, hence it is void ab initio," ani Panelo. 
 
Paglilinaw naman ng Philippine National Police (PNP), walang shoot-to-kill order sa kabila ng P1 milyong bounty na ipinataw ng Pangulo sa bawat presong napalaya sa GCTA.

Ayon kay Guevarra, nasa 10 preso na ang sumuko pero maaaring nadagdagan pa raw ito. 

Nanawagan naman ang BuCor sa mga preso na magparehistro muli sa Muntinlupa City o sa 7 penal colonies sa bansa.


—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.