Lalaking nagpanggap na pulis huli sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 02:59 PM | Updated as of Sep 06 2019 09:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang lalaking nagpanggap na pulis ang hinuli ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Martes matapos ireklamo ng pangingikil.

Dinampot si Emman Rowe Masing, 24, matapos nitong tanggapin ang P8,000 mula sa biktima sa tapat ng isang coffee shop sa Barangay San Lorenzo.

Sa pamamagitan ng Faceboook Messenger, nakipag-ugnayan si Masing sa biktima at nagpakilalang pulis na may pangalang John Michael Dela Cruz.

Sinabi umano ni Masing sa biktima na mayroon itong pending criminal case na paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 pero may kakayahan siyang "burahin" ang kaso kapalit ng P23,000.

Kalaunan ay ibinaba ng suspek sa P1,500 ang hinihinging pera. Kasabay nito ay nagbanta din si Masing na ipakakalat ang mga maseselang larawan ng biktima.

Nagbigay ng pera ang biktima para tantanan na daw siya ni Masing pero noong Setyembre 3 ay nag-message ulit ang suspek at humingi ng P8,000.

Dumulog na ang biktima sa mga awtoridad na nagkasa ng entrapment operation laban kay Masing.

Nabatid na hindi pulis kundi rider para sa food delivery service ng isang transportation network company ang suspek, ayon sa ulat ng NCRPO.

Mahaharap ang suspek sa kasong robbery with violence against or intimidation of persons in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012.

— May ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.