Dayuhang nagpuslit ng sanggol sa airport, kinasuhan na

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 04:03 PM | Updated as of Sep 05 2019 09:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang Amerikanang nagtangkang magpuslit ng bagong silang na sanggol sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Sinampahan si Jennifer Erin Talbot ng mga kasong paglabag sa anti-human trafficking, child abuse, kidnapping at serious illegal detention sa Pasay City Prosecutor's Office.

Ayon sa awtoridad, makakasuhan rin ang mismong ina ng sanggol na si Maricris Cempron Dulap at ang ‘di nakikilalang ama nito.

Biyernes ng hapon ng humarap sa media ang 43-anyos na dayuhan na nakaposas at nakasuot ng orange t-shirt na uniporme ng mga detainee ng National Bureau of Investigation.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng NBI na sinadya ni Talbot sa Davao City ang sanggol at nailusot niya sa security ng Davao International Airport hanggang sa madiskubre ito sa NAIA.

Nakilala lang umano sa internet ng suspek ang 19-anyos na ina ng sanggol kung saan nagkasundo na ipapa-ampon sa kaniya ang bata.

May hawak si Talbot na affidavit of support and consent mula sa magulang ng sanggol na notaryado na pero walang pirma ng magulang ng sanggol.

Hindi klaro sa ngayon kung nagbayad ang Amerikana sa ina ng bata o kung may usapan ba ang dalawa sa magiging kapalit ng pagpapaampon sa sanggol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.