Suspek sa pagpapasabog sa Abra noong Enero naaresto na

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2018 08:01 PM

BAGUIO CITY- Naaresto na ang suspek sa pagpapasabog sa bayan ng La Paz, Abra noong Enero kung saan 2 pulis ang namatay at 26 ang sugatan, kabilang ang 2 lokal na opisyal. 

Kinilala ang suspek na si Joel Millare Balucas, 45-anyos at tubong Lagayan, Abra.

Nahuli si Balucas sa Barangay Pulot sa Lagayan, Martes ng tanghali.
Ito ay sa bisa ng warrant of arrest na inilabas laban sa kaniya sa kasong double murder at multiple frustrated murder.

Inaalam pa ng mga pulis kung ano ang motibo ng suspek sa nagawang krimen.

Una na raw nahuli ang suspek noong Disyembre dahil sa pagkakaroon ng baril na hindi rehistrado, pero nakapagpiyansa ito.

Nasa kustodiya na ng Lagayan Municipal Police Station si Balucas.

Namatay sa pagsabog ang dalawang pulis na kinilalang sina PO3 Carlos Bocaig at PO2 Frenzell Kitoyan habang sugatan naman ang 26 pa na residente kasama na sina Abra Representative JB Bernos at asawa nitong si Mayor Menchie Bernos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.