P100-M halaga ng pekeng sapatos at tsinelas, nasabat

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2018 12:00 PM | Updated as of Sep 06 2018 12:51 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

3 Chinese caretakers arestado

MAYNILA – Tinatayang nasa P100 milyon ang halaga ng mga pekeng sapatos at tsinelas na nasamsam mula sa 2 malalaking bodega, Martes ng gabi sa Barangay Niog III, Bacoor, Cavite.

Ang dalawang bodega ay sinalakay ng Calabarzon Police, Regional Intelligence Division sa bisa ng search warrant.

Tumambad sa awtoridad ang mga nakakahon at nakasakong pinekeng produkto ng dalawang kilalang brand ng sapatos at tsinelas.

Naisagawa ang raid matapos na magpositibo ang ginawang test buy sa mga pekeng produkto na nakaimbak sa mga bodega.

Samantala, tatlong Chinese caretaker ng bodega ang inaresto ng awtoridad habang isa pa ang pinaghahanap na umano'y siyang namamahala sa mga bodega.

Hinihinalang ang mga pekeng produkto ay ibebenta ngayong panahon ng kapaskuhan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.