5 kaso ng Japanese encephalitis, naitala sa Tarlac ngayong taon

Edward Quinto, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 10:25 PM

Limang kaso na ng Japanese encephalitis ang naitala ngayong taon sa probinsiya ng Tarlac.

Samantala, wala pang naitatala ang probinsiya ng pagkamatay dahil sa sakit.

Ayon sa Provincial Health Office, madalas umano itong nakukuha sa mga lamok na nagmumula sa palayan at babuyan kung saan maputik at marumi ang paligid.

"Usually itong mga lamok na ito namumuhay sa mga maduduming tubig naman kasalungat ito sa dengue na ang dengue kasi sosyal na lamok natin ito na ang gusto ay malilinis. Tapos usually nagproprocure sila sa mga palayan, sa mga malapit sa field kasi maburak 'yun na maputik anun sila na nakatira din," ani Provincial Nurse Coordinator Cecille Zuasula.

Isang 12-anyos na dalagita ang higit isang buwan nang naka-confine sa Tarlac Provincial Hospital dahil sa Japanese encephalitis.

May mga katabing babuyan ang bahay nila kaya hinala ng pamilya ay rito siya nakagat ng lamok na may dalang virus.

"Nilagnat po siya tapos sabi niya masakit ang ulo niya," ayon sa ina ng dalagita.

Madalas na maapektuhan umano ng Japanese encepalithis ang mga batang nasa edad 15 pababa.

Ilan sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat, pananakit ng mga muscle, at manilaw-nilaw na balat at pagsusuka. 

Delikado rin ang Japanese encephalitis virus lalo't maari nitong maapektuhan ang utak ng tao.

Tuloy ang paalala at adbokasiya ng Department of Health at provincial government na maagapan ang sakit.

"Tuloy tuloy naman 'yung advocacy ng gubyerno natin. Kung ano 'yung ginagawa ng gubyerno pagdating sa dengue dahil pare-pareho namang lamok yan pare-pareho din ang control measure nyan. Panatilihing malinis ang kapaligiran," ani Zuasula.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.