Sanggol natagpuan sa loob ng bagahe ng Amerikana sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 11:22 AM | Updated as of Sep 04 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (3RD UPDATE) - Natagpuan ang isang sanggol sa loob ng bagahe ng isang Amerikana sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Miyerkoles.

Base sa kuha ng CCTV sa terminal, dumaraan ang babaeng dayuhan na nakapila sa screening area. 

Kumuha siya ng tray para ilagay ang bag na idadaan sa x-ray. 

Nang ipapasok na ito sa metal detector, inilabas nito ang isang sanggol na nakalagay sa baby sling ng kaniyang dibdib. 

Nakarating ang babae hanggang sa boarding area pero sinita siya ng airline nang malamang walang passport at airplane ticket ang sanggol. Ini-report ito sa Bureau of Immigration. 

Walang naipresenta ang pasahero na dokumento para ilabas ng bansa ang 6 na araw na gulang na sanggol, ayon kay Grifton Medina, hepe ng Port Operations Division.

Naiulat na sa US Embassy ang insidente, dagdag niya.

Nabatid ng mga awtoridad na dumating noong Agosto 28 ang babae. Pamangkin umano ng Amerikana ang sanggol, na ipinanganak sa Davao City. 

Nagsumite umano ng affidavit mula sa ina ng sanggol ang Amerikana, at ayon sa dokumento ay pinahihintulutan ang babae na dalhin ang bata sa USA, pero walang pirma sa affidavit. 

Dinala naman sa National Bureau of Investigation ang Amerikanang suspek para matukoy kung saan niya nakuha ang sanggol. 

Itinurn-over naman ang baby sa Department of Social Welfare and Development. 

- Ulat nina Raoul Esperas, Henry Atuelan, at Zen Hernandez 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.