Presyo ng bigas sa ilang pamilihan nananatiling mataas

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan kahit pa bagsak na ang presyo ng lokal na palay at dagsa na ang mga inangkat na bigas.

Isinisi ito ng Department of Agriculture sa ilang rice miller at traders na iniipit umano ang suplay ng bigas.

Sa Kamuning Market sa Quezon City, nasa P35 hanggang P39 ang preyso ng kada kilo ng regular-milled local rice habang P38 hanggang P44 naman ang kada kilo ng well-milled local rice.

Taliwas ito sa sinabi ng Department of Trade and Industry noong Pebrero na posibleng bumaba sa P30 hanggang P32 ang kada kilo ng commercial rice dahil sa pagdagsa ng inangkat na bigas dala ng rice tariffication law.

Ipinaliwanag ng isang tindera na kahit bumaba ang presyo ng palay, at sumadsad sa hanggang P7 kada kilo ang presyo sa ilang lalawigan, malaki ang patong ng kanilang suplayer.

"Pagdating sa amin may patong na rin 'yon kasi nandiyan, magbabayad sila trucker, gas, transpo (transportation cost) nila," ani Emma Gerena, tindera ng bigas.

Ayon kay acting Agriculture Secretary William Dar, kahit madami na ang inangkat na bigas, hindi pa inilalabas ang lahat ng stock sa merkado.

Nagbabala si Dar sa mga umano ay nagho-hoard ng suplay.

"We will implement the full force of the law," ani Dar.

"'Yong nag-import naman, we're asking them, they're starting to bring their imports to the market so that the prices of rice in the market must further go down," aniya.

Ayon pa kay Dar, nakipagkasundo ang ilang provincial government na bilhin ang palay ng mga magsasaka sa halagang P15 hanggang P17 gamit ang ipapautang ng Landbank na pondo.

Hihigpitan din umano ng Department of Agriculture ang mga requirement sa pag-angkat ng bigas para makontrol ang pagdagsa nito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, hiniling ng mga magsasaka sa Isabela na ibaba rin ang presyo ng farm inputs tulad ng mga pataba at iba pang ayuda kasunod ng pagsadsad ng presyo ng palay. 

"Ibaba rin 'yong mga inputs," anang magsasakang si Jaime Narne.

Itinanggi naman ng Isabela Millers Association na binabarat nila ang presyo ng palay kasunod ng pagdaing ng mga magsasaka sa Nueva Ecija na nasa P7 hanggang P11 kada kilo na lang ang presyo nito.

"Hindi namin binabarat basta maganda ang palay. Ang lowest na bili namin pagka-dry is P17 to P17.50," ani Isabela Millers Association president Ernesto Subia. 

Sa Itogon, Benguet, P8 kada kilo ang bili sa palay, na dating P10.

Pinangangambahan ding bumagsak sa P9 ang presyo ng palay sa Maguindanao.

Nagdaos naman ng protesta sa Bacolod City ang mga magsasaka, na hiniling sa gobyerno na limitahan ang pagpasok ng inangkat na bigas hangga't hindi pa sila nabibigyan ng tulong.

Nanawagan naman ang Consumer Affairs Council na bigyan muna ang DA ng panahon para tugunan ang epekto ng rice tariffication law.

-- Ulat nina April Rafales at Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.