Pekeng Customs collector timbog sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 06:54 PM

MAYNILA — Timbog nitong Miyerkoles ang isang nagpanggap na collector ng Bureau of Customs (BOC) matapos niyang mangikil umano sa isang broker ng mga kargamento.

Kinilala ang suspek na si Gerardo Bundalian, na nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos tanggapin ang entrapment money na nagkakahalaga ng P43,000.

Ayon sa biktimang broker na si alyas "Derick," ito na ang ikatlong beses na hiningan siya ng pera ni Bundalian para mailabas ang container van niyang may "alert order."

"Mapipikon ka kasi pinaghihirapan mo ang kinikita tapos ibibigay mo lang sa kaniya," sabi ni Derick.

Inamin ni Bundalian na tinutulungan niyang mailabas ang kargamento ni Derick pero hindi daw ito pangingikil.

"Sa Customs kasi tulungan. 'Pag may problema, tutulong ang old timer brokers pero hindi manghihingi," anang suspek. 

Ayon kay Bundalian, may kasabwat umano siyang mga taga-Customs na nagbibigay sa kaniya ng impormasyon ukol sa mga kargamentong may alert order.

Itinanggi naman ng BOC na empleyado nila si Bundalian at sinabing iimbestigahan na nila ang mga nakaraang transaksiyon ng suspek.

"There are 80 names na nandoon sa cellphone [niya]. They are noted for making irregular transactions, players... He has been working in this scheme for 29 years, siyempre nagne-namedrop 'yan," ani Customs deputy commissioner Raniel Ramiro.

Kulong si Bundalian sa kasong robbery-extortion. —Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.