Nasawi sa pag-araro ng trak sa Antipolo pumalo na sa 8

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 09:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Umaabot na ng 8 ang bilang ng mga namatay sa pagkaladkad ng trailer truck sa apat na sasakyan noong Agosto 31 sa Antipolo City, Rizal. 

Binawian ng buhay nitong Miyerkoles ang isa sa mga biktima na 16 anyos na estudyante. 

Kinilala na rin ng pulisya ang driver na si Ariel Patricio. 

Batay sa impormasyon sa Land Transportation Authority, magkaiba ang may-ari ng tractor head at ng trailer ng trak. Pero pinag-aaralan umano nila ang posibleng pananagutan ng dalawang kompanya. 

Ayon kay Police Lt. Arnold Perez Mercado, deputy for operations ng Antipolo Police, pagmamay-ari ng isang Luisa Samson ang traktora, habang nakapangalan sa kompanyang Sta. Monica Freight Services ang mismong trailer ng trak. 

Nag-alok na ng tulong ang kampo ni Samson, ayon sa ama ng isa sa mga biktima na si Larry Yu. 

"Kumbaga 'yung tulong ang bagal eh, 'yung pagapalibing kulang sa financial," ani Yu, na namatayan ng 18 anyos na anak sa aksidente. 

Ayon sa tagapagsalita ni Samson, nakipagtulungan na rin sila sa imbestigasyon ng pulisya. Sila na rin ang nagbigay ng impormasyon ukol sa driver sa pulis. 

Giit naman ng Sta. Monica Freight Services, wala silang kinalaman sa aksidente. 

Hindi rin daw sila ang nagmamay-ari ng tractor head ng trak at naibenta na nila ang trailer noon pang Hunyo 2, 2014. 

Aalamin din daw nila kung bakit hindi pa naililipat ang pangalan sa nakakabili. Hindi rin daw nila kilala si Patricio. 

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.