Lalaking nang-blackmail ng ex para makipagtalik arestado

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 06:40 PM | Updated as of Sep 04 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ngayong Miyerkoles ng pulisya ang isang lalaki sa Mandaluyong City matapos umanong alukin ang kaniyang nobya na makipagtalik sa kaniya kapalit ng pagbura ng kanilang sex video.

Dinampot ng mga operatiba ng women and children unit ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isang hotel ang 31 anyos na suspek at sinagip ang biktimang si alyas "Abby."

Dumulog sa pulisya si "Abby" matapos siyang yayain ng suspek na sila ay magtalik kapalit ng pagbura nito ng sex video nila. 

Dati nang ipinadala ng suspek sa mga kaanak at kaibigan ni "Abby" ang video matapos nitong tapusin ang kanilang 3 buwang relasyon.

Inamin naman ng suspek ang pamba-blackmail sa dating nobya at sinabing nagawa lamang niya ito dahil sa pagmamahal sa biktima.

Nagpaalala naman si Col. Alejandrea Silvio, hepe ng women and children unit ng PNP-ACG, sa publiko na huwag nang kuhanan ng mga retrato o video ang mga pagtatalik para makaiwas sa "revenge porn."

Sasampahan ang suspek ng mga kasong grave coercion, at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.