Dalagitang nangikil umano sa catering timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 06:28 PM

Arestado sa Batangas City ang isang 16 anyos na dalagita matapos umanong mangikil sa isang lehitimong catering service provider na nakabase sa Laguna. 

Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang remittance center ang dalagitang si alyas "Nene" nang kuhanin ang perang mula sa catering services na ginagaya umano niya. 

Ayon sa CIDG, kinontak ni Nene ang catering services para manghingi ng P10,000 kapalit ng pagtigil nito sa paggamit ng pangalan ng establisimyento. 

Gumawa umano ang dalagita ng pekeng online page ng catering para makakuha ng mga kliyente. 

Pumayag ang catering firm na magbigay ng P3,000 at doon na ikinasa ang entrapment operation. 

Naaresto si Nene at inaresto din ang kaniyang ina dahil ID nito ang ginamit ng menor de edad para sa pagkulimbat ng pera.

Sabi naman ni Nene, wala siyang alam sa modus at napag-utusan lang daw siya na kuhanin ang pera sa remittance center.

Ginawa niya daw ang utos para mabigyan ng regalo ang inang magdiriwang ng kaarawan sa Huwebes. 

Dismayado ang ina ni Nene dahil kababalik lang daw niya sa bansa bilang isa siyang overseas Filipino worker. 

"Siya po ang may transaksiyon na hindi ko naman po alam kung ano talaga 'yun, kararating ko lang po talaga," sabi ng nanay ni Nene. 

Hiling ni Nene, lumantad ang mga tunay na nasa likod ng modus para mapawalang sala silang mag-ina. 

Kasalukuyang nakapiit ngayon ang mag-ina. — Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.