ALAMIN: Paglabag ba sa kalayaan ng mga bata ang curfew?

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 12:32 PM | Updated as of Sep 04 2019 12:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kamakailan ay sinimulan ng Manila City ang estriktong pagdampot sa mga menor de edad na lumalabag sa curfew.

Pero dati nang sinabi ng ilang grupo na paglabag ang ordinansa sa kalayaan ng kabataan na gumalaw nang malaya.

Ayon sa abogadong si Atty. Claire Castro, may katuwiran naman ang pagpapatupad ng curfew lalo't buhay ng kabataan ang nakataya rito.

May tinatawag aniyang "police power" ang gobyerno na ginagamit para sa pagpapanatili ng kaayusan.

"Parte ito ng paano mo pahahalagahan ang peace and order and kung paano mo ba mapapangalagaan ang constituents mo," ani Castro sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM noong Martes.

"Sabihin natin na restricted ang mga galaw ng bata. Pero kailangan natin ito for their protection kasi menor de edad sila," dagdag niya.

Magkakaroon lang aniya ito ng paglabag sa Saligang Batas kapag hindi menor de edad ang huhulihin dahil sa curfew.

Sakop ng ordinansa

Sa ilalim ng Ordinance No. 8547 ng Maynila, ipinagbabawal ang paggala ng mga may edad 17 pababa sa mga pampublikong lugar simula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Ayon kay Castro, mas mananagot ang mga guardian sa ordinansa.

"Siyempre kayong nasa legal na edad, at kayo ang nakakaalam ng tama at mali, at kung mali ang payagan ang iyong mga anak na [lumabas]," ani Castro.

Giniit ni Castro na mainam ang pagpapatupad ng ganitong ordinansa para sa kaligtasan ng kabataan.

Nasa P2,000 ang multa sa guardian ng violator na may edad 15 hanggang 17; P3,000 naman sa guardian ng violator na may edad 13 hanggang 14; at P5,000 ang multa at 6 buwang pagkakakulong sa guardian ng violator na 12 anyos pababa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.