Benguet, nasa state of calamity dahil sa pinsala mula sa habagat

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 07:33 PM

Matinding pinsala ang iniwan sa mga pananim sa Benguet ng mga pag-ulang dala ng habagat. ABS-CBN News

BENGUET — Isinailalim noong Lunes sa state of calamity ang lalawigang ito dahil sa mga pinsalang iniwan sa impraestruktura at agrikultura ng mga pag-ulang dala ng habagat noong nakaraang buwan.

Ayon kay Benguet Governor Crescencio Pacalso, idineklara ang state of calamity upang mas madaling makuha ang mga pondo para sa rehabilitasyon ng mga napinsalang pananim at kalsada.

"Hiningi natin 'yon kasi 'di na natin maantay ang susunod na taon para maisagawa natin 'yong tulong," ani Pacalso.

Umabot sa P44.9 milyon ang halaga ng mga nasirang pananim sa lalawigan habang 2,641 magsasaka ang naitalang naapektuhan ng mga pag-ulang bunsod ng habagat.

Nasa P100.2 milyon naman ang halaga ng danyos sa impraestruktura. Kabilang sa mga nasirang kalsada ang Benguet–Nueva Vizcaya Road at Halsema Highway.

Nasa 300 pamilya o 593 indibidwal naman ang apektado matapos masira ang aabot sa 62 bahay.

Umabot naman sa 223 ang mga partially damaged o bahay na bahagyang nasira.

--Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.