Suspek sa pagpatay ng huwes sa Zamboanga del Norte, timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 02:06 AM | Updated as of Sep 03 2019 02:19 AM

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Nahuli na ng mga awtoridad ang itinuturong pumatay sa isang huwes sa Zamboanga del Norte.

Natunton ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si Juliver Cabating sa Mati City, Davao Oriental Lunes ng hapon.

Inaresto ito sa bisa ng warrant of arrest sa pagpatay kay Judge Reymar Lacaya ng Liloy, Zamboanga del Norte Regional Trial Court noong Mayo.

Napag-alamang nagtago si Cabating sa Mati City matapos iturong suspek sa pamamaslang sa huwes.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang suspek nang kunan ng komento ukol sa insidente. Hindi pa malinaw sa mga awtoridad kung ano ang motibo sa krimen.

Nasa kustodiya ngayon ng NBI-Davao Region si Cabating at nakatakdang ilipat sa Zamboanga del Norte.—Ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.