Pulis timbog sa pagbebenta ng shabu sa Muntinlupa

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 09:14 AM | Updated as of Sep 03 2019 05:39 PM

MAYNILA (UPDATE) - Naaresto ang isang pulis dahil sa umano'y pagbebenta ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Muntinlupa City Lunes ng gabi.

Kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Oscar Albayalde ang suspek bilang si Patrolman Leo Valdez, na nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office.

Hinuli ng mga awtoridad si Valdez sa operasyong nangyari sa Marquez Compound, Barangay Putatan.

Binentahan umano ng suspek ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang poseur-buyer kapalit ng P1,000, sabi ni Albayalde sa isang pahayag.

Nakuha rin sa suspek ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu.

Ikinasa umano ang operasyon laban kay Valdez matapos makatanggap ng impormasyon ang PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ukol sa talamak na bentahan at paggamit ng droga sa lugar ni Valdez.

Pumasok sa serbisyo si Valdez noong 2007 pero nag-AWOL (absence without leave) noong 2014. Bumalik siya sa serbisyo noong 2017, ayon kay Albayalde.

Sa surveillance operation ng mga awtoridad, nakuhanan ng video si Valdez sa aktong paggamit ng shabu, ani Albayalde.

Nasa kustodiya ng IMEG ang suspek na sasailalim sa imbestigasyon at sasampahan ng mga kasong kriminal at administratibo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.