'Cop killer' napatay ng mga pulis sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 07:37 AM

CEBU—Patay sa engkuwentro ng mga pulis nitong Martes ang lalaking itinuturong pumatay sa isang pulis sa Minglanilla, Cebu.

Nanlaban umano ang 21 anyos na suspek na kinilalang si Jesmer Fernandez nang huhulihin na sana ng pulisya sa Barangay Bolinawan, Carcar City.

Si Fernandez ang sinasabing bumaril at pumatay kay Police Staff Sgt. Alfredo Pagaling habang nasa loob ito ng patrol car.

Ayon naman kay Police Capt. Jade Sumugat, deputy chief ng Carcar City Police Station, sangkot din umano sa iba pang insidente ng pamamaril ang suspek.

Narekober ng mga pulis ang motorsiklo na ginagamit umano ni Fernandez bilang getaway vehicle.

Hindi pa malinaw sa mga awtoridad kung ano ang motibo sa pamamaslang kay Pagaling.—Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.