Ama inirereklamo dahil sa pambubugbog, pangmomolestiya sa mga anak

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 04:18 AM

MAYNILA—Inireklamo ng mga opisyal ng Barangay E. Rodriguez ang isang 42 anyos na tatay dahil sa pambubugbog at pangmomolestiya umano sa kaniyang mga anak.

Dumulog ang 13 anyos na si Anita (hindi tulay na pangalan) sa barangay para isumbong ang kaniyang tatay. Maga ang pisngi ni Anita dahil sinuntok siya ng tatay na lasing.

Nang imbestigahan ng social worker, lumabas na ilang ulit nang sinaktan at hinipuan si Anita.

Pati mga nakababatang kapatid ni Anita ay minolestiya rin umano ng kanilang tatay.

Umamin ang tatay na nabugbog niya si Anita dahil sa kalasingan, at hindi na raw niya namalayan na nahawakan na niya sa binti ang anak.

Ayaw namang magreklamo ng nanay ng mga bata, lalo na't kapag nakulong ang tatay, mawawalan sila ng kabuhayan.

Ang padre de pamilya ang bumubuhay sa kanila sa pamamagitan ng pagtitinda ng yelo sa Q Mart sa Cubao, Quezon City.

Sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, puwedeng ang mga taga-barangay ang magreklamo sa mga umaabuso.

Dinala ng barangay ang pamilya sa Violence Against Women and Children (VAWC) unit ng Cubao Police Station.

Posibleng maharap ang tatay sa patong-patong na kaso ng child abuse at physical injury.

Nakatakda namang dalhin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga bata.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.