2 Chinese, 1 Indian hinarang sa NAIA dahil umano sa pekeng travel documents

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 04:32 PM

Inaresto ng Bureau of Immigration ang tatlong dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport kamakailan dahil sa umano’y paggamit ng pekeng travel documents.

Sa isang press release na inilabas nitong Martes, sinabi ng BI na inaresto ang tatlong dayuhan sa magkakahiwalay na insidente noong nakaraang lingo.

Dalawang Chinese at isang Indian national ang naaresto.

Huli ang 49 anyos na si Huang Chenghua noong Agosto 30 bago sumakay sa kaniyang flight papuntang Toronto, Canada gamit umano ang isang Mexican passport na may Canadian visa na umano’y peke pala.

Arestado rin ang isang 25 anyos na Indian national nang magtangkang umalis sa paliparan gamit ang pekeng Canadian Visa.

Huli rin ang Chinese national na si Wang Wenjiang sa paggamit umano ng ninakaw na pasaporte papuntang Jakarta, Indonesia. Pagmamay-ari umano ng isang Xu Shao Hong ang passport, na idineklarang nawawala noong Oktubre 24.

Ayon kay BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, nakapiit na sa Bicutan ang mga suspek habang isinasailalim sa deportation proceedings.

Plano ring ipa-blacklist o hindi na muli papasukin sa bansa ang tatlong dayuhan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.