Pekeng dentista timbog sa Tarlac

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2017 05:11 PM

TARLAC CITY - Arestado sa entrapment operation ang isang babaeng umano'y nagpapanggap na dentista. 

Kinilala ang suspek na si Ma. Isabel Garcia, 22, isang estudyanteng kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management.

Ayon kay Dr. Mario Guiang Jr., isang dentista, isa sa kanyang mga pasyenteng nagpakabit ng braces sa suspek ang humingi ng tulong sa kanya. 

Sa bidyong kuha ng nagrereklamong pasyente, kita ring mali ang pagkakakabit ng braces at wala pang suot na guwantes o facial mask man lang ang suspek. 

"Nagpunta 'yung patient ko, namamaga na ang ngipin. Tinanong ko siya kung sino ang gumawa. Sabi ko, 'gusto mo akong tulungan hulihin natin iyan,'" ani Dr. Guiang. 

Sa tulong ng mga awtoridad, nagsilbing asset ang sekretarya ni Dr. Guiang at nagpanggap na pasyenteng magpapakabit ng braces sa suspek para mahuli ito sa akto. 

Ilan lamang sa narekober mula sa suspek ang P3,000 marked money, at iba-ibang gamit sa pagkakabit ng braces. 

Todo-iyak naman sa estasyon ng pulis sa siyudad ang 22-anyos na babae na tumanggi nang humarap sa news team. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Dental Act of 2007. 

Paalala naman ng mga awtoridad, kilalanin munang maigi ang dentista bago pumayag sa anumang procedure na gagawin sa ngipin para maiwasan ang mga ganitong insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.