Striktong pagpapatupad ng curfew sa maynila, umpisa na

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2019 01:29 PM | Updated as of Sep 02 2019 11:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Ipinag-utos ngayong Lunes ni Manila Mayor Isko Moreno ang mahigpit na pagpapatupad ng ordinansa sa lungsod na nagtatakda ng curfew para sa mga menor de edad.

Sa isang memorandum, inaatasan ni Moreno lahat ng punong barangay, Manila Police District, at Manila Department of Social Welfare na magsumite ng ulat kada linggo ukol sa pagpapatupad ng Ordinance No. 8547.

"In order to achieve the goals of protecting and promoting the welfare of minor children in the city, all punong barangays are hereby ordered to strictly implement City Ordinance No. 8547 in their respective areas of jurisdiction. Accordingly, they shall submit a report every Monday on the status of its implementation," sabi sa memorandum.

"The City PNP (Philippine National Police) is likewise directed to strictly implement the said ordinance and submit weekly reports on the matter."

Sa ilalim ng Ordinance No. 8547, ipinagbabawal ang paggala ng mga may edad 17 pababa sa mga pampublikong lugar simula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Mga magulang o guardian ang maparurusahan kapag nahuling lumalabag sa ordinansa ang mga menor de edad.

Nasa P2,000 ang multa sa guardian ng violator na may edad 15 hanggang 17, P3,000 sa guardian ng violator na may edad 13 hanggang 14, at P5,000 multa at 6 buwang pagkakakulong sa guardian ng violator na 12 anyos pababa.

Inilabas ni Moreno ang memorandum kasunod ng pagsagip sa 20 menor de edad sa surprise inspection ng alkalde sa Tondo nitong madaling araw ng Lunes.

Ang iba sa mga kabataang nahuli ni Moreno ay nagso-solvent at umiinom ng alak.

Ipinasa ang ordinansa sa lungsod noong nakaraang taon kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.