P2.5-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 2 timbog sa Davao buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2019 04:43 PM

Aabot sa P2.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Davao City noong Linggo ng gabi, kung saan naaresto ang 2 suspek sa pagtutulak.

Higit isang buwan nang minamanmanan ng mga pulis ang suspek na si alyas "Coco," isa umanong big-time suplayer ng shabu sa lungsod, ani Lt. Col. Jed Clamor.

Bukod kay alyas "Coco," natimbog din sa operasyong ikinasa sa isang inn sa Quirino Avenue ang isang alyas "Robert."

Nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu ang nakuha sa mga suspek na nagkakahalagang P2.5 milyon, ayon kay Clamor.

Ayon kay "Coco," nakuha niya ang droga sa Tagum City.

Itinanggi naman ni "Robert" na may alam siya sa droga.

Inaalam ngayon ng pulisya kung sino ang suplayer ng droga ng mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.