Masamang panahon, pilot error sinisilip sa Laguna plane crash

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2019 04:02 PM | Updated as of Sep 02 2019 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Masamang panahon at pagkakamali ng piloto ang ilan sa mga anggulong tinututukan ng mga imbestigador kaugnay ng pagbagsak ng isang eroplano sa isang resort sa Calamba City, Laguna noong Linggo.

Ayon sa mga air crash investigator ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), may mga testigong nagsabi sa kanila na tinamaan muna ng kidlat ang eroplano bago ito umusok habang pabagsak sa lupa.

Bineberipika pa ng mga awtoridad ang pahayag ng mga testigo, ayon sa imbestigador na si Harry Panadero.

Bukod sa pagtama ng kidlat, sinisilip din umano ng mga imbestigador ang pilot error o pagkakamali ng piloto at mechanical failure o pagpalya ng makina ng eroplano.

Narekober din ngayong Lunes ang hinihinalang black box ng eroplano, na makapagbibigay-linaw sa nangyari. Gayumpaman, inamin ni Panadero na posibleng tumagal nang ilang buwan bago malaman ang resulta ng pagsusuri rito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Siyam na tao ang nasawi sa pagbagsak ng eroplano sa resort sa Barangay Pansol.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi bilang sina: 

  • Capt. Jesus Hernandez (Pilot)
  • First Officer Lino Cruz Jr. (Co-pilot)
  • Dr. Garret Garcia
  • Kirk Eoin Badilla (Nurse)
  • Yamato Togawa (Nurse)
  • Ryx Gil Laput
  • Raymond Bulacja
  • Tom Carr (Pasyente)
  • Erma Carr (Misis ng pasyente)

Isinugod naman sa ospital ang mag-inang residenteng sina Malou at John Rey Roca matapos magtamo ng mga sugat.

Bumagsak ang medical evacuation plane na King AIR 350 sa Agojo Resort sa Barangay Pansol bandang alas-3:30 ng hapon, ayon kay Laguna police direcotr Eleazar Matta.

Sa pahayag ng CAAP, ala-1:40 ng hapon umalis ng Dipolog City ang eroplano papuntang Maynila.

Nawala umano ang eroplano sa rader bandang alas-3:14 ng hapon.

Pero ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, nakapasa sa mga pagsusuri ang eroplano bago ito lumipad. 

Tumanggi munang magbigay ng ibang detalye ang CAAP ukol sa eroplano at piloto dahil kailangan muna raw tapusin ang imbestigasyon.

Sinubukan din ng ABS-CBN News na kuhanin ang pahayag ng Lion Air, na may-ari ng eroplano, pero tumanggi muna ito.

Tiniyak ng Lion Air na magbibigay sila ng tulong sa mga naging biktima ng pagbagsak. -- Ulat nina Dennis Datu at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.