Faeldon lumagda pero hindi sa release order ni Sanchez

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2019 05:20 PM | Updated as of Sep 02 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nanindigan si Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon na wala siyang nilagdaang kautusan para makalaya ang rapist-killer na si Antonio Sanchez.

Umani ng batikos kamakailan si Faeldon matapos lumutang ang mga balitang inaprubahan niya ang paglaya ni Sanchez dahil sa good conduct nito.

Sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng Senado kaugnay ng good conduct time allowance (GCTA) law, inamin ni Faeldon na natanggap niya noong Hulyo 20 ang memorandum na nagrerekomenda sa paglaya ni Sanchez.

Pero wala pa raw siyang nilalagdaang release order para kay Sanchez.

"I signed a memorandum order that is the signal to process all the papers, but that is after I continuously consulted with the lawyer, 'Why are we signing this?'" sabi ni Faeldon sa pagdinig sa Senado.

"I stopped the process of the release of Sanchez because I believe he is not entitled," aniya.

Hindi naging lubos na malinaw kung ang memorandum order ay may bisa ring magpalaya ng isang preso, gaya ng bisa ng isang release order.

Si Sanchez ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na nahatulang guilty sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, at pagpatay sa kasamahan nitong si Allan Gomez noong 1993.

Makalalaya dapat si Sanchez noong Agosto pero hindi ito natuloy kasunod ng mariing pagtutol ng publiko.

Ayon kay Faeldon, sinunod lang niya ang dating proseso na ginagawa ng BuCor kaugnay sa GCTA application kaya maging ang mga na-convict sa heinous crimes ay kanilang isinama sa puwedeng palayain.

Lumabas sa datos ng BuCor na aabot sa 2,000 presong na-convict dahil sa heinous crimes ang napalaya mula noong 2014, isang taon matapos emyendahan ang GCTA law.

Watch more in iWant or TFC.tv

KORTE SUPREMA ANG MAGPASYA

Iminungkahi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na Korte Suprema ang pagpasyahin kung pababalikin ba sa kulungan ang mga heinous crime convict na nakalaya dahil sa GCTA.

Sa pagdinig, sinabi rin ni Guevarra na matapos ang pag-aaral ng kanilang kagawaran, hindi dapat kasama ang mga heinous crime convict sa mga maaaring makinabang sa Republic Act No. 10592 o GCTA law.

"We came up with this conclusion, after very serious and careful study, that the proper interpretation of that law, in so far as the exclusions are concerned, would be to exclude those convicted of heinous crimes from the benefit of the good conduct time allowance law," ani Guevarra.

Ikinasa umano ng DOJ ang pag-aaral kasunod ng pagtutol ng publiko sa dapat sanang paglaya ni Sanchez.

Para naman kina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Tito Sotto, puwede pang kuwestiyunin ng Korte Suprema ang naging pasya ng BuCor.

Hindi kasi dumaan kay Guevarra ang pagpapalaya sa mga preso sa kabila ng 2015 department order na nagmamandong kailangang dumaan sa DOJ ang pagpapalaya kung reclusion perpetua ang hatol sa convict.

Ayon kay Sen. Franklin Drilon, may desisyon na ang Korte Suprema na puwedeng ipaaresto muli ang presong mali ang pagpapalaya dahil hindi pa tapos ang pagserbisyo nito sa kaniyang hatol.

Iginiit naman ng pamilya nina Sarmenta at Gomez na hindi dapat maulit ang muntik nang pagpapalaya kay Sanchez.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hiniling ng pamilya ang pagrebisa sa batas para hindi makinabang ang mga sangkot sa heinous crimes.

"Sana mapag-aralan ang mga loophole ng batas," anang ina ni Eileen na si Clara.

Sa gitna ng pagdinig, tumaas pa ang presyon ng ina ni Allan Gomez na si Iluminada.

Iginiit naman ni Volunteers Against Crime and Corruption chairman Dante Jimenez na hihiling sila ng review ng batas.

3 MAYSALA SA CHIONG SISTERS RAPE-SLAY NAKALAYA

Kung napurnada ang paglaya ni Sanchez, kinumpirma naman ni Faeldon na nakalaya na ang 3 nahatulan sa pagpatay sa Chiong sisters noong 1997 sa ilalim ng GCTA law.

Nilagdaan ni Chief Supt. Maria Fe Marquez, direktor ng Directorate for Reformation ng BuCor, ang release order para sa 3 convict na sina Josman Aznar, Ariel Balansag, at Alberto Caño.

Kabilang ang 3 sa 7 na-convict noong 1999 sa pagdukot sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong noong 1997 sa Cebu City.

Lumabas sa awtopsiya sa bangkay ni Marijoy na ginahasa siya bago itulak mula sa bangin.

Hindi pa natatagpuan hanggang ngayon si Jacqueline.

CHINESE DRUG LORDS

Lumabas din sa pagdinig na inutusan umano ni Guevarra ang Bureau of Immigration na pigilin ang deportation process ng mga pinalayang convicted Chinese drug lords.

Nakatakda sanang ma-deport ang 4 na Chinese drug lords matapos palayain dahil sa GCTA.

FAELDON DI MAGBIBITIW

Nanindigdan din si Faeldon na hindi siya magbibitiw bilang pinuno ng BuCor.

Itinanggi naman ni Sen. Ronald dela Rosa, na dating BuCor chief, na may bentahan ng paglaya sa ilalim ng GCTA.

Sinabi ni Dela Rosa na pinaimbestigahan niya ang umano'y mga GCTA na for-sale.

-- May ulat nina Robert Mano at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.