Ilang guro inireklamo ang 'mabagal' na deployment ng DepEd

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 06:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagturo nang 2 taon sa pribadong paaralan ang gurong si alyas "Elsa" bago nag-apply sa public school.

Noong Mayo, nakapasok si Elsa sa listahan ng mga kalipikadong guro o tinatawag na "registry of qualified applicants."

Tulad ng iba pang guro, naghihintay pa rin si Elsa na ma-deploy at makapagturo.

"Mayroon po akong nakausap na isa from the office na tinapat po niya ako na wala daw pong slot na maibibigay sa ngayon," ani Elsa sa panayam ng ABS-CBN News.

"Ang hirap din po ng process na pinagdaanan. Hindi din po 'yon biro, 'yong gastos, pagod," aniya.

Nasa 805,955 plantilla positions ang napunan ng Department of Education (DepEd) at nangangailangan pa sila ng 41,510 guro, ayon sa datos mula sa Department of Budget and Management Personal Services Itemization and Plantilla of Personnel (DBM PSIPOP).

Ipinaliwanag ng DepEd na hindi nila kayang i-absorb ang lahat ng mga aplikante kahit pa kalipikado ang mga ito.

"Hindi porke one ka, ikaw na kaagad 'yong una. Titingnan pa rin natin 'yong specialization mo," ani DepEd Undersecretary Jesus Mateo.

"Kasi 'yong items na binibigay sa'tin ay depende sa budget na binibigay sa'tin," dagdag ni Mateo.

Naniniwala naman ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) na mas malaki pa sa ibinigay na datos ang tunay na pangangailangan para sa mga guro sa bansa.

"The ultimate solution po dito, ibigay ang nararapat na budget sa education sector. Para ang Department of Education, makapag-hire siya nang sapat na bilang ng teachers," ani ACT secretary general Raymond Basilio.

Nanawagan din ang grupo na pagbutihin ang kalagayan ng mga guro sa pribadong sektor, na karamihan ay kontraktuwal.

Itaas din daw dapat ang basic pay ng mga manggagawa sa P30,000 kada buwan, kasama na rito ang mga guro.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.