ALAMIN: Bakit labag sa batas ang #InMyFeelings challenge?

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2018 07:37 PM | Updated as of Sep 01 2018 07:41 PM

 

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos pagbawalan ng mga awtoridad ang pagsayaw sa “In My Feelings” Challenge, mayroon ulit nag-viral na video kamakailan tampok ang babaeng gumawa nito sa Kamuning flyover. 

Ayon sa isang abogado, may batayan sa batas kung bakit ipinagbabawal ang naturang challenge. 

Dahil ang drayber ang kumukuha ng video sa gumagalaw na sasakyan habang pinapatugtog ang kantang “In My Feelings,” klaro raw umano ang paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, ani Atty. Claire Castro. 

Nakasaad kasi sa batas na bawal maghawak ng cellphone at iba pang mga gadget ang nagmamaneho ng isang sasakyan, kahit pa nakahinto lang ang sasakyan. 

"Ikaw ay nagsasayaw sa road while 'yung driver ay moving. And ang driver ang kukuha ng video which is definitely hindi akma," ani Castro.

At dahil lumalabas sa gumagalaw na sasakyan ang sasayaw, labag pa raw ito sa jaywalking at obstruction of traffic dahil ginawa ito sa isang highway gaya ng Kamuning flyover. 

Puwede ring kasuhan ng reckless driving ang nagmaneho dahil may peligrong mababangga niya ang sumasayaw.

“Hindi inalintana ng driver 'yung sitwasyon, 'yung condition ng road na puwedeng because of that he might put the property or person in danger,” ani Castro.

“It can be jaywalking kung pagbabasehan ay yung naglalakad siya sa road na hindi alintana iyong traffic,” dagdag niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.