2 arestado sa panloloob sa isang bahay sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2018 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

Arestado ang 2 lalaki matapos looban at nakawan umano ang bahay ng mga Chinese national sa Barangay Moonwalk, Parañaque City noong Miyerkoles. 

Kinilala ang mga suspek na sina Djan Madia at Jurry Daniel. 

Hinala ng mga pulis na inside job ang nangyari dahil nalamang si Madia ay drayber ng mga biktima. 

Nakuha sa CCTV ang pagpasok at pagtakas ng mahigit kumulang 5 hanggang 7 na suspek sa bahay na inookupa ng 10 na Chinese nationals.

Ayon sa Parañaque police, itinali ng mga magnanakaw ang mga okupante ng bahay at hinanap ang vault nito. 

"Pumasok 'yung lead man nila na may dalang baril, nag-declare nga ng robbery. Pumasok 'yung mga kasama. More or less 5 to 7 sila doon," ani Parañaque police chief Senior Supt. Victor Rosete. 

"Allegedly naghahanap sila ng isang vault nung may-ari. So 'yun ang nagpatagal ng oras nila doon," dagdag niya. 

Nakatakas ang isang biktima at agad humingi ng tulong sa village security. 

Nataranta umano ang mga suspek sa mga parating na guwardiya habang tumatakas at naiwan si Daniel, na pilit humahabol sa isa sa mga sasakyan. Natimbog naman si Madia sa hiwalay na operasyon. 

Hindi raw sinasahuran nang maayos si Madia kaya raw umano napagplanuhan ang krimen. 

Tumanggi sa krimen si Madia. Katuwiran naman ni Daniel na hindi niya alam na planong magnakaw sa bahay ng kanilang mga kasamahan. 

"Ang sabi lang sa akin pupunta sa amo nila, maniningil at ililibre ako ng inom," ani Daniel. 

Nahaharap sa kasong robbery si Daniel at Madia at tinutugis sa ngayon ang iba pa nilang mga kasamahan. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.