P440 milyon UltraLotto jackpot, patuloy na pinipilahan

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2018 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaari pa ring mapanalunan ngayong Biyernes ang higit P440 milyong UltraLotto jackpot kaya naman todo ang pila ng mga tao sa mga tayaan sa pagbabakasakaling tamaan ang tamang kombinasyon ng mga numero. 

Sa isang lotto outlet sa Quiapo, Maynila, sunod-sunod ang mga tumataya lalo't araw ng suweldo.

Siniguro ng welder na si Benito Eso na makataya sa UltraLotto, at katunayan, naiisip na niya ang gagawin sakaling manalo. 

"Iyong sa akin, araw-araw lang binibigyan ako ng asawa ko P200 [na baon], at 'yung sobra, 'yun tinataya ko," kuwento ng manggagawa.

Mayroon din daw siyang inaalagaang mga numero na hindi maaaring mawala sa bawat taya. 

Plano niyang magbuhay-bukid sakaling manalo sa lotto ngayong Biyernes. 

"Bibili ako ng lupa, tataniman na lang ng mga punongkahoy, gulay, 'tsaka (mag-aalaga ng) mga hayop, kambing, baka para hindi tulad ng sasakyan na nalalaspag," aniya. 

Sa gitna naman ng pagtaas na presyo ng bilihin, pinagkakasiya naman ni Elsie Bianes ang budget para makataya pa rin. 
 
Kung manalo, di daw sosolohin ng ginang ang premyo. 
 
"Siyempre unang-una pamilya, pangalawa sa maysakit. Tapos pangatlo, mamamahagi ako. Balato," ani Bianes.

Ang retirado namang si Efren Singson, libangan ang lotto at nagtatabi pa ng pantaya mula sa kaniyang buwanang pensiyon. 
 
"Hindi ako umaabot ng P1,000 [pantaya]. Kapag nananalo lang ako, malakas kasi may puhunan ka eh."
 
Dati nang tumatama ang mga numero ni Singson at umaasang susuwertehin muli. 
 
"Iyong 6/49 na wala pang limit, [nanalo akong] P56,000, five numbers. Tapos 'yung 6/42 naka P20,000 [ako]," pag-alala niya. 
    
Tuwing Martes, Biyernes, at Linggo ang draw para sa UltraLotto.

—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.