HULI SA VIDEO: 2 bata tinangay ang kita ng jeepney driver

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2018 06:33 PM | Updated as of Aug 31 2018 09:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan sa video ang paghablot ng dalawang bata sa kinita ng isang jeepney driver nitong Huwebes sa Taft avenue, Maynila.

Sumampa ang mga bata sa nakatigil na jeepney at biglang dinampot ang kaha na naglalaman ng perang kinita ng drayber.

May lalaki na humabol sa isa sa mga bata ngunit nakapiglas din ito mula sa pagkakahawak.

Pinulot na lamang ng biktimang drayber ang mga natirang barya na nahulog sa kalsada.

Naaresto ng pulisya ang sinasabing pinuno umano ng mga bata na si Roel Martinez.

Ayon sa suspek, 10 raw sila na naghahanap ng mabibiktima, at siya raw ang nagsisilbing tagalito sa drayber.

"Isa 'yong sasakay, ako, tapos 'yong bata po ang manghahablot sa jeep," ani Martinez.

Nasagip naman ang isa sa mga batang nasa video at nailipat na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang iba pang mga bata.

Snatching sa Blumentritt

Samantala, nahablot ng mga nakasakay sa motorsiklo ang cellphone ng isang babaeng nagte-text habang naglalakad sa kalye ng Blumentritt sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa isinagawang operasyon ng pulisya ay naaresto ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Ian Jasper.

Mahaharap sa kasong robbery at snatching ang suspek.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.