Star witness sa murder case pinagbabaril sa Taguig, kritikal

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 07:16 PM | Updated as of Aug 30 2019 08:01 PM

 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kritikal ngayon sa pagamutan ang isang lalaking itinuring na star witness noon sa isang murder case matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Taguig noong Agosto 20. 

Sa kuha ng CCTV ng Barangay Upper Bicutan, makikitang nag-uusap sa tapat ng isang kainan ang magkapatid na sina Dhann Patrick at Dhann Lenard Ercillo.
    
Maya-maya pa, biglang lumapit ang isang lalaki at biglang pinagbabaril si Dhann Patrick.
    
Tiyempong dumaan ang isang 10-taong gulang na batang lalaki na nadaplisan pa ng bala.

Bumulagta ang biktima, habang nakuhanan naman ng isa pang CCTV ang salarin na patakbo sa direksiyon ng katabing barangay.

Agad humingi ng tulong ang kapatid ng biktima para maitakbo sila sa ospital.
    
Ligtas ang bata, habang kritikal ngayon sa intensive care unit si Dhann Patrick, na nagtamo ng 6 na tama ng bala.

Minsan nang na-interview ng ABS-CBN News ang biktima na tumayong testigo noong mabaril ang kaniyang kaibigan na si Jaynard Guzman alyas "Jeje" noong 2017. 

Siya rin ang naging principal witness nang maaresto ang suspek nitong Hunyo.
    
Hinala ng pamilya ni Ercillo, ito ang ganti sa kanila ng suspek sa pagpatay kay Jeje. 

"Nakikiusap po sila (suspek) na kung puwedeng huwag nang pa-attend-in 'yung anak ko sa huling hearing para po makapag-bail sila... Sana lang po makonsensiya kayo, hindi mangyari sa pamilya ninyo 'yung ginawa ninyo sa anak ko," ani Hilda Ercilla, ina ni Dhann Patrick. 

Bukod dito, may isa pang motibo na iniimbestigahan ngayon ang National Capital Region Police Office (NCRPO). 

"Based doon sa initial report, online seller pala itong victim at mayroon sa kaniyang hindi nagbayad at pinost niya 'yung picture... So tinitingnan natin 'yun," sabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar. 

Nire-review na rin ng mga pulis ang iba pang CCTV sa lugar para matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman.

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.