Mga mall binalaan vs pagpapa-costume ng mga security guard

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 02:56 PM

Nagbabala ang Philippine National Police sa mga may-ari ng mga mall na huwag pasuotin ng costume ang kanilang mga guwardiya ngayong Kapaskuhan.

Pinaalalahanan ng PNP Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (SOSIA) na may karampatang multa ang mga pinagko-costume na pamasko ang mga security guard.

Ayon kay PNP SOSIA assistant chief, Police Col. Sydney Villaflor, maaaring gayahin ng mga kawatan o sindikato ang costume para gumawa ng krimen sa loob ng gusali.

"'Yung pagsusuot ng iba't ibang uniform ay posibleng samantalahin ng mga sindikato o ng iba't ibang grupo na posibleng gumawa ng krimen sa loob ng mall at iba pang business establishments," ani Villaflor.

Aniya, hindi rin mabilis na makakapag-responde ang mga guwardiya kapag may suot na costume tulad ng Santa Claus o Nutcracker. Nakalilito rin umano ito sa publiko kapag panahon ng emergency.

Alinsunod aniya sa Republic Act 5487 o Private Security Agency Law na maaaring pagmultahin ng P10,000 ang mall at security agency sa first offense kapag hindi nakasuot ng angkop na uniporme ang guwardiya.

Noong Agosto 2018, pinagmulta ng P400,000 ng SOSIA ang isang security agency ng isang mall sa Quezon City dahil nakasuot ng costume ng queen's guard ang mga guwardiya.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.