'Kakarampot' na alokasyon sa umento ng mga guro, inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 08:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaalma ang grupo ng mga public school teachers at workers sa umano’y kakarampot na alokasyon na para sa kanilang umento sa ipinapanukalang 2020 national budget.

Kaakibat ang panukalang umento sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address na taasan ang sahod ng mga government employee.

Sa ipinapanukalang 2020 budget ng pamahalaan, lumalabas na P31 bilyon ang gustong ilaan na umento para sa mga trabahador sa public schools.

Ibig sabihin, kapag hinati ang budget sa 2.1 milyong government workers, P1,845 o P61 kada araw ang taas-sahod sa kada kawani ng public school.

Ayon kay Joselyn Martinez, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers, hindi ito sapat lalo’t wala pa umano sa minimum wage ang sahod ng ilang empleyado sa mga pampublikong paaralan.

"Wala pa ito sa tinatawag naming disenteng sahod. Mas kawawa po ang ating mga kawani na sumasahod lang ngayon ng P11,000," ani Martinez.

Hindi rin aniya sigurado pa kung isang bagsakan itong ibibigay o kaya hahatiin ito nang pantay-pantay.

Sa huli kasing umento para sa mga government workers, mas nakinabang pa raw ang mga nasa matataas na posisyon.

Ang 35 taon nang guro na si Ollie Diaz, itinatawid ang pangangailangan ng pamilya sa pangungutang.

"Lahat nakasangla. Ultimong chalk allowance ko para sa 2020 nakasangla. Pag nagkasakit pa kami wala na, wala na kaming dadamputin," ani Diaz na P21,000 ang isinasahod kada buwan.

Hinanakit pa niya ang mas mataas na budget na binibigay umano sa mga sundalo at mga pulis.

"Buti pa 'yung iba. Yung mga pulis hindi naman sila bumibili ng bala tulad namin na kami pa bumibili ng chalk," ani Diaz.

Sa pagdiriwang ng National Teachers Month sa Setyembre, inaasahan ang sunod-sunod na protesta para bigyan ng mas mataas na sahod ang mga guro, ayon kay Martinez.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.