'Inaasahang roadworks sa EDSA magpapabigat ng trapiko sa ber months'

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 07:42 PM | Updated as of Aug 30 2019 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagsalubong ng "ber months" kung kailan inaasahan ang mas malala pang trapiko, nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority na maaaring magsimula ang ilang construction sa EDSA.

Posible kasing simulan ang konstruksiyon na magdudugtong sa mga linya ng LRT at ng MRT.

"The worst is yet to come, sorry to say that. I do not want to sound alarmist pero talaga pong may mga construction tayong gagawin sa EDSA and it might come in these 'ber months,'" ani EDSA traffic chief Bong Nebrija.

Plano din nilang maghanap ng mga alternatibong ruta dahil dito.

Bago pa magsimula ang ber months at sa gitna ng "payday traffic," ipinakalat na ang mga patrol officers ng Philippine National Police - Highway Patrol Group sa EDSA.

Itinayo sa ilang parte ng EDSA ang mga patrol officer para mabantayan ang mga motoristang susuway sa kanilang stay in your lane policy.

Inilabas din ang "Strike Force" o mga all-female riders ng HPG para tumulong sa pagpapaayos ng trapiko sa EDSA.

Tinatapatan nila ang mga motoristang hindi sumusunod sa tamang lanes. Iniisyuhan din ng tiket ang mga pasaway na motorista.

Kaakibat ito ng direktiba ni HPG chief Gen. Eliseo Cruz na dapat nasa kalsada ang lahat ng kanilang patrolman at patrolwoman.

Nanindigan ang MMDA na hakbang ang mga ito sa permanenteng solusyon ng gobyerno sa trapiko.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.